By: Ige Ramos
September 29th, 2014
(Source: Bandera)
Isa ang binalot sa mga kinagisnang paraan na pag-iimbak ng pagkain ng mga Pilipino. Karaniwan itong ginagawa upang hindi mahirapan sa pagbibitbit ng baon na pagkain.
Susong-susong na sinalab na dahon ng saging ang ginagawang pambalot sa kanin na may kasamang ulam, karaniwan ay tapa, tocino, pritong isda o adobo na may kaunting salsa, at sinamahan ng atsara, hiniwang kamatis at itlog na maalat.
Mahigpit ang pagkakabalot ng sinalab na dahon ng saging kaya hindi madaling mapanis ang pagkain, na nagkakaroon din ng kakaibang samyo at lasa.
Subalit sa hirap makahanap ng dahon ng saging sa mga lungsod, ang pagbabalot ay napalitan ng mga sisidlang plastik. Kaya naman, naisipan ni Rommel Juan ang isang eksperimento sa paghahatid ng pagkain sa mga tanggapan sa Makati noong 2006.
Kasama ang kanyang kaibigan, kuya, dalawang kapatid na babae at ang kanilang tiyahin ay itinayo niya ang Binalot.
Ano ang sikreto sa tagumpay ng Binalot?
“Patuloy lamang ang aming paglago at sumusunod lamang kami sa daloy ng buhay,” ani Juan na ngayon ay ipinagdiriwang ang ika-18 anibersaryo ng kumpanya.
“Sa anumang negosyo na nanatili ng apat na taon ay itinuturing isang tagumpay. Ang sumunod na pitong taon naman ay sumailalim sa mga bago at matinding pagsubok.”
At sa pagsapit naman ng ikalabing- walong taon, ano naman kaya ang napipintong tadhana ng Binalot? “Kung ano man ito, handa na kaming makipagsapalaran dahil sa aming nalipon na karanasan sa paghahatid ng serbisyo sa ngalan ng masarap na pagkain sa presyong abot ng ating mga kababayan,” aniya.
Kamakailan ay binisita ni Juan ang United Arab Emirates upang alamin kung paano tatanggapin ang Binalot ng ating mga kababayan doon.
Hindi siya nabigo sapagkat tila sabik na sabik nang matikman ng mga OFW kanilang mga paboritong Tapa Rap Sarap, Bistek Walastik, Along Came Talong at Anytime, Inihaw.
Isang malaking handaan umano ang nakalaan sa pagdiriwang ang ikalabingwalong kaarawan ng Binalot. “Ito ang taon ng aming kapistahan kaya maraming bagong promo, produkto at pagkain kaming ilulunsad,” dagdag ni Juan.
Isa sa mga promo ay ang pamimigay ng kumpanya ng mala-pistang handaan sa tahanan o opisina ng maswerteng kostumer!
Kaugnay nito ay ang pagdaraos ng taunang Filipino Franchise Show na itinatag ng Association of Filipino Franchisers, Inc. (AFFI).
Ang AFFI ay ang tanging organisasyong pangkalakalan ng Pilipinas na itinatag ng mga Filipino franchisers na binubuo ng mga pangulo at CEO ng mga world class homegrown Pilipino brands.
Isa ang Binalot sa mga orihinal na miyembro ng asosasyon. Gaganapin ang Franchise Show sa World Trade Center sa Oktubre 3-5.
Kaya sa ating mga kapatid na OFW na nais magkanegosyo, bakit hindi ninyo bisitahin ang 2014 Filipino Franchise Show? Dahil kung meron ka namang puhunan, iba talaga kung hawak mo ang oras mo.
Dadagdagan mo lang ng sipag ay tiyak aasenso ka at hindi ka na mawawalay sa mga mahal mo sa buhay.
Sa mga may nais na magkaroon ng negosyo, isa lang ang payo ni Rommel Juan: “Maging matiyaga at masipag. Dedikasyon at hindi lamang pera ang pinaghuhugutan ng puhunan.
Siguraduhin ang produktong inaalok ay mataas ang kalidad. Magreresulta ito sa tapat na parokyano at paulit-ulit na pagbalik nila.” Ito, aniya, ang sikreto kung bakit labingwalong taon na sa merkado ang Binalot.
http://bandera.inquirer.net/73511/pagkaing-binalot-sa-kalinga-at-pagmamahal